Loading...

Saturday

Ganti ng Kalikasan


Tunay ngang ang mga tao ang pinakaswerteng nilalang sa mundo, bakit ko nasabi ito? Simple lang, sapagkat lahat nangg gustuhin at kailanganin natin ay madali nating nakukuha sa ating kapaligiran o sabihin na nating likas na yaman. Sa katunayan nga  ay napakarami nating maipagmamalaking mga yamang likas kumpara sa ibang mga bansa noon. Pero ang lahat ng ito ay mananatili na lang sa ating imahinasyon kung tuluyan nating sisirain o babalewalain ang unti-unting pagkawasak ng ating kapaligiran na dahil na rin sa ating pang-aabuso at maling paggamit sa mga ito.

      Sa tingin ko ay hindi magiging madali ang paraan nang pagsasaayos sa ating kapaligiran dahil na rin sa lawak ng pinsalang naidulot ng iba't-ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol atbp. Pero sabi nga ng iba, walang imposible kung gugustuhin mo lang. Kaya naman sana simulan natin kahit sa simpleng bagay lang ang pagsasaayos dito.

   Magtanim tayo ng mga panibagong halaman na s’yang papalit sa mga pinutol na puno. Itapon natin sa basurahan ang mga basura natin lalo't higit ang mga plastik na s’yang nagiging dahilan nang pagbabara sa mga kanal at estero na nagdudulot ng pagbaha. Pilitin nating huwag magsilab upang mabawasan ang polusyon sa hangin na maaaring mapagkunan ng iba't-ibang uri ng mga sakit. Limitahan na rin sana natin ang pagputol sa mga puno lalo sa mga kagubatan at kabundukan sapagkat kita naman natin ang dulot na perwisyo nito sa tuwing bumabaha.

     Masarap mabuhay bilang tao dahil lahat nang gustuhin natin ay nakukuha at nagagawa natin. Pero sa kabila nito ay huwag naman sana nating abusuhin ang ibinigay na biyaya sa atin ng Maykapal dahil naniniwala ako na, "Kapag kalikasan na ang sa ati'y gumanti, wala na tayong ibang magagawa kundi ang magsisi".

-Clarise Bonilla





Loading...