Loading...

Thursday

Duterte, Bubuwagin ang Kongreso Kapag Naging Pangulo?

Photo Credit to gmanetwork.com
        Painit nang painit ang palitan ng maanghang na salita sa pagitan nina vice-presidential candidate Antonio Trillanes III at presidential candidate Rodrigo Duterte. Ito ay matapos banatan ni Trillanes si Duterte na mayroong diumano itong itinatagong bilyong pisong yaman sa kanyang bank account. 

Pinagbantaan pa ni Trillanes na ipapa-impeach niya si Duterte kung sakaling manalo ito sa pagka-pangulo. Agad naman itong sinagot ni Duterte at sinabing handa siyang buwagin ang Kongreso kung ipapa-impeach nga siya ni Trillanes. "Pag i-impeach ako, sabi ni Trillanes, eh 'di isara ko 'yang Congress. Eh, 'di wala nang mag-impeach sa akin," sabi ni Duterte sa kanyang political rally sa Bataan noong Huwebes.

Binanggit pa ni Duterte ang dating Pangulong Ferdinand Marcos na iba naman ang panahon ng Martial Law. Ang sa kanya naman, bubuwagin niya ang Kongreso dahil gusto siyang patalsikin ng mga ito. Wala diumanonng magagawa ang mga kongresista kapag ginawa niya ito. 

Nauna nang inamin ni Duterte na mayroon nga siyang BPI bank account. Pero 'di raw kagaya nang sinasabi ni Trillanes na mayroon itong laman na limpak-limpak na salapi. Ayon sa kanya ay nasa libong piso lang ito at hindi bilyon. Hinamon pa niya si Trillanes na sampahan na lang siya nito ng kaso sa korte para maipakita niya ang laman ng kanyang bank account sa korte. 

Bago  ang sagutan nina Trillanes at Duterte, nauna nang nanghamon si Duterte sa kanyang mga katunggali sa pagkapangulo na pumirma sila ng waiver na maglalabas ng  impormasyon sa kani-kanilang bank records. 
Loading...