Loading...

Monday

Tattoo Business


Ang tattoo ay ‘di lang basta isang uri ng sining kundi puwede rin itong maging matatag na negosyo. Kaya naman marami ang sineryoso ito dahil bukod sa kumikita na ay nalilibang pa. Higit sa lahat ay nailalabas ang pagiging artistic. Kagaya na lang ng tattoo artist na si Ramil Palomique ng Sarmiento Village, Tandang Sora, Quezon City. Buhat nang matutong mag-tattoo ay ‘di na siya bumitaw pa rito. Kumbaga, para ring tattoo na nakaukit na ng malalim at ‘di basta nabubura sa kanyang sistema.

    Nobyembre 1992 nang unang mag-tattoo si Ramil na ang disenyo ay leon na ang mukha ay agila. Habang tinatatuan ay tinitingnan niya ang gamit na pantattoo. Dito na siya nagkainteres sa pagtatattoo. Pagkauwi ng bahay, naghanap agad siya ng mga gamit na kakailanganin para dito. Pinagpraktisan niya ang kanyang sarili, nag-tattoo siya na ang disenyo ay tribal na araw. Pagkatapos nun, “Every month siguro nagpapa-tattoo ako tapos nakilala ko ang pa ang founder ng Philstag na si Nero Nuevo. Tumambay-tambay siya sa naturang grupo.  Nagpa-tattoo siya kay Nero at nagpapaturo kung paano ang tamang pagtatattoo. Pero sinabihan lang siya nito na mag-obserba lang siya at ‘yun nga ang kanyang ginawa hanggang siya ay matuto.

    Ang unang nagpatattoo sa kanya ay barkada niya. “Nagpa-tattoo sa akin ang barkada kong ‘yun ng line na may triangle sa wrist kagaya ng tattoo ni Robin Padilla,” aniya. Nag-umpisa lang siya sa stainler ink tapos ang gamit lang ay single needle na ginagamit sa pananahi ng damit.  Libre nga lang ‘yun. Pinabili lang niya ang barkada ng  tinta at magasin.  Nang mag-umpisang maningil ay 150 pesos lang ang minimum na bayad sa kanya para sa sukat na 2x3 na pulgada. Sa pagkakatanda niya ay schoolmate ang una niyang naging kliyente. Nagpatattoo ito sa kanya ng mukha ng dragon. Habang nag-aaral ng kolehiyo ang pagtatattoo ang kanyang naging sideline.

    Taong 1998 sinubukang iwan ni Ramil ang pagtatatto. Ito ay noong mag-Saudi siya para magtrabaho bilang sales associate sa isang convinience store. Kaso hanggang doon ay may mga gustong magpatattoo sa kanya. Kaya ang ginawa niya ay nagpagawa siya ng gamit na improvised sa pinsan niya na nagtatrabaho sa turnuhan. Nang makabalik sa Pilipinas ay pumasok naman siya sa isang skin clinic. Nagtatatoo siya ng mga cosmetic, eyebrow, eyelid, etc. Makalipas ang isang taon kinuha naman siya ng kanyang kaibigan na may tattoo shop. Nag-abroad uli siya noong 2010 hanggang 2011, sa may Dubai naman. Gaya dati ay nagtattoo pa rin siya doon.

    Dati-rati ay masama ang tingin ng karamihan sa mga may tattoo dahil naiuugnay ang mga ito sa mga preso. Pero ayon kay Ramil ay nagbago na ang pananaw dito ng nakararaming Pinoy. Kahit mga artista ay nagpapa-tattoo na rin para maging malakas ang dating. Marami na rin kasi ang mga nagtatattoo ngayon saka iba na ang kalidad ng mga tattoo ngayon. “Ngayon ang mga tattoo parang picture na, e. Parang sticker na lang. Saka madaming magagaling na mga tattoo artist ngayon,” aniya. Hindi lang basta pamporma ang tattoo o ekspresyon ng sarili. Mainam din itong ipatong halimbawang nabalian ang balat ng kumukulong tubig.

     “Simula’t sapul pa lang ang pagtatattoo na ang tumutulong sa akin para mapag-aral  ko ang mga anak ko,” pagmamalaki ni Ramil. Maganda kasi ang kitaan dito kagaya niya na nairaraos ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Wala siyang shop, sa bahay na siya mismo nagtatattoo. By appointment lang ang kanyang sistema.  Natutuwa naman siya at maganda ang mga komento ng kanyang mga kliyente kaya rekomendado siya ng mga ito sa kanilang mga kakilala. Minsan ay naglalagay din siya ng ad sa magasin at internet para makakuha ng kostumer.

     Ang minimum na singil niya ay isang libong piso para sa 2x3 na pulgada. Ang bayad sa tattoo ay nakadepende na rin sa sukat, detalye ng disenyo. Kapag half-sleeve naman pumapalo ito mula sampu hanggang labinlimang libong piso. Ang pinakamalaki niyang nasingil sa pagtatattoo ay tatlumpung libong piso. “May natatuan ako nun kalahating likod na ang disenyo ay oriental. Ang ganda ng bayad sa akin dun,” natutuwang sabi niya.

    Ayon kay Ramil, ang pinakamahirap i-tattoo ay portrait o mukha ng tao pati na rin ang Polynisian dahil medyo magulo at pasikut-sikot ang detalye nito. Para kay Ramil ang tatto ang pinakamahirap na klase ng art dahil buhay ang iyong dinu-drowingan. Ang nakabibilib kay Ramil ay wala siyang background sa art.  Kahit noong bata siya ay ‘di siya nahilig sa pagdu-drowing.  “Baka meron akong talent ‘di lang nailabas agad,” pagbibro niya. Pero nasa hilig naman ‘yan, ayon pa sa kanya.

     Iba’t-ibang klase ng tao ang nagpapatatoo kay Ramil. May pulis, ihinyero, doktor at marami pang iba. Dahil sa ganda ng opurtunidad sa pagtatattoo kahit mga painter pa at potrait artist ay lumipat na rin dito. Kahit sa ibang bansa ay in na rin ang mga Pinoy tattoo artist halimbawa ay sa Singapore. Isa sa bigating personalidad na natatuan niya ay si Kevin Bernal, anak ng character actor na si Ruel Bernal.

    Sa kabilang banda, para mabilis gumaling ang tatto kailangan lang itong alagaan. Isang linggo lang ay nagbabakbak na ang sugat. “Linisin mo lang saka lagyan ng ointment na pang-antibacterial. Mga isang buwan bago bumalik sa tunay na balat niya”, esplika pa niya.

    Sa mga gustong pasukin ang pagtatato,o ipinapayo ni Ramil na kung hilig mo talaga ito eh ‘di gawin mo lang. Kapag nagtatattoo kailangang malinis lagi ang gamit. Disposable dapat ang ink cup at tinta. Kailangan din naka-surgical gloves. At sa mga nagpapa-tattoo naman, ipinapayo niya na, “Siguraduhin lang na gusto mo ‘yung disenyo. ‘Yun bang ‘di ka magsasawa pagtagal.” Iwasan ding magpatattoo ng pangalan ng nobya o nobyo dahil ‘di naman nakasisigurong magiging kayo hanggang sa huli. Marami kasi ang nagpupunta sa kanila na pina-cover up ang pangalan ng partner nila matapos na magkahiwalay.


    Bukod sa tattoo ay nagba-body piercing din si Ramil sa belly, dila labi etc. Maaring makontak si Ramil sa 0929-1477363 at 239-1665. 
Loading...