Loading...

Monday

Sustansya ng Mais


Ang mais ay matamis, malutong at masarap kainin. Mapa-nilaga man, binatog at kung anu-ano pang klase ng luto. ‘Di ba’t inihahalo pa nga ito sa ginataan at halo-halo? Ngunit higit pa sa isang masarap na pagkain ang mais dahil marami ritong makukuhang sustansiya.

Nagtataglay ito ng Vitamin B1 (thiamin), Vitamin B5 (pantothenic acid), Vitamin C, fiber, manganese, folate at phosphorus. Ang Vitamin B5 na matatagpuan sa mais ay tumutulong sa adrenal glands kapag ito ay naii-stress. Ang hinimay na mais na inilagay sa maliit na baso ay nagtataglay ng tinatayang 14% ng Vitamin B5 na kinakailangan sa loob ng isang araw.

Nakapagpapataas din ng metabolismo ang mais dahil nagbibigay ito ng sapat na enerhiya sa katawan at may kakayahan din para manatiling maganda ang pangangatawan. Ang mais din ay nakakapag-alerto sa ating isipan o nakapagpapatalas ng memorya dahil sa nagtataglay ito ng 24% ng thiamin. Ang thiamin ay ginagamit ng utak para gumawa ng neurotransmitter na tinatawag acetylcholine na mahalaga para sa pagkakaroon ng magandang memorya. Kapag malusog ang utak ay malayo rin ito sa pagkakaroon ng Alzheimer's disease.


Mainam din ang pagkain ng mais sa mga nagdadalang-tao dahil mayroon itong folate na tumutulong para malabanan ang pagkakaroon ng depekto ng sanggol. Ang pagkain ng masusustansiyang pagkain gaya ng mais ay isa nang kasiguruhan na ang sanggol sa loob ng sinapupunan ay lalabas na malusog at masigla. Bukod dito ang folate rin ay tumutulong para malabanan ang pgkakaroon ng heart attack, stroke, peripheral vascular disease at maging ang colon cancer na rin.

Kahit mahirap matunaw ang mais kapag kinain ay mayaman ito sa fiber. Katunayan ay mayroon itong 18% ng fiber. Ito ay tumutulong sa mga mayroong constipation, may kakayahan ding magpababa ng cholesterol levels, blood sugar levels at marami pang iba.
Loading...