Loading...

Monday

Paano Iingatan ang Ating Mga Tainga?

     
     Mahalaga ang ginagampanan ng ating tainga dahil kung mayroon itong depekto ay ‘di tayo makaririnig. Kaya dapat lamang na ingatan natin ang ating tainga. Narito ang ilang tips kung paano mapangangalagaan ang ating tainga.

     Kapag naglilinis ng tutuli ay huwag masyadong pakasundutin ang tainga dahil sa kasusundot ay maitutulak pang lalo papasok ang tutuli. Kapag laging ganito ay naiipon nang husto ang tutuli sa pinakaloob ng tainga. Dahil sa ito ay tumitigas ay maaari pa itong makatusok sa ear drum na magiging sanhi ng pagkasira nito. Maaari pa nga itong maging sanhi ng pagkakaroon ng luga o ng mabahong likido na lumalabas sa tainga. Mas madaling linisin ang tutuli kung ito ay basa kumpara sa natuyong tutuli. Ang magandang gawin sa nanigas na tutuli ay patakan ito ng baby oil hanggang sa lumambot. Iwasan din ang sobrang dalas na paglilinis ng tainga kahit na wala na namang lilinisin. May mga tao kasi na parang mannerism na lang sa kanila ang pagkakalikot ng tainga. Sa totoo lang ang tutuli ay hindi lamang basta dumi sa tainga dahil kailangan din naman natin ito.

            Huwag tutusukin ang tainga ng matitigas na bagay gaya ng tooth pick, lapis, palito ng posporo dahil ang mga ito ay maaaring makatusok sa ating ear drum. Sng pagkasira ng ear drum ay magiging sanhi ng inmpeksiyon at ang masama pa ay mauwi ito sa pagkabingi. Siguraduhin ding kapag kakalikutin o kakamutin ang loob ng tainga ng mga daliri ay siguraduhing malinis ang mga ito dahil maaaring pasukin ng bakterya ang tainga. Halimbawa namang pinasok ng insekto ang tainga ang loob ng tainga ay  pumunta agad sa duktor para ito ang magtanggal. 

            Kapag mayroong tonsillitis o sipon ay apektadeo rin ang ating tainga kaya’t kapag sumisinga ay huwag masyadong puwersahin dahil sasakit lang ang tainga. Iwasan din pasukin ng tubig ang tainga kapag naliligo dahil babara ito sa tainga. Kusa rin naman itong lalabas ngunit kapag hindi na ito lumabas, ibig sabihin ay na-iratate na ang tainga ‘di lang dahil sa tubig kundi sa dami na rin ng tutuli na nasa loob ng tainga. Kaya’t ang mabuting gawin ay magpatinigin na agad sa duktor para ito ay mapatakan ng gamot at nang sa gayun ay para malinisan na rin. Ngunit hindi rin ito biro dahil medyo masakit din dahil makakalkal ang kaloob-looban ng tainga at bubuhusan pa ng tubig para lumabas ang mga duming naroroon. Mas maganda na rin kung sadyang iniingatan natin ang ating tainga.
   
       Siyempre, iwasan din ang pakikinig ng radyo ng sobrang lakas. Dapat ay ‘yung katamtaman lang dahil kapag nasobrahan ay maaari ring humantong sa pagkabingi.
Loading...