
Lubhang matamis ang asukal pero hindi sa mga taong may diabetes. Dahil ang labis na pagkahilig sa matatamis ang isa sa mga dahilan kung bakit nakukuha ang sakit na ito.
Kapag ang tao ay may diabetes, ang lapay niya ay hindi gumagawa ng sapat na insulin. Ang asukal sa dugo ay hindi nakakaraan sa mga selula para magamit. Ibig sabihin, ang asukal na nasa katawan ay hindi nasusunog para gawing enerhiya. Dahil sa pagtaas ng antas ng asukal na ito ay napupunta sa bato at sumasama sa ihi ay tinatawag na ketone. Ang ketone ay ang mga sangkap o produkto na hindi na kailangan ng katawan.
Sinasabing ang diabetes ay nakukuha sa pamamagitan ng pagmamana, ang katawan ay nagiging allergic sa sarili nitong selula sa lapay, at nakukuha rin sa kapaligiran. Ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng diabetes ay madalas na pag-ihi, labis na pagkauhaw, madaling magutom dahil sa kulang ang nakukuhang enerhiya. Nariyan din ang pagkakaroon ng mababang timbang at madaling pagkayamot bunga na rin ng reaksyon ng katawan kaya’t medyo nagbabago ang ugali.
Ang taong may diabetes ay maaari ring magkaroon ng komplikasyon gaya ng atake sa puso, stroke, problema sa mata, pananakit ng tyan o binti, at iba pa. Ito ay dahil sa pagkasira ng mga daluyan ng dugo at nerves. Wala kasing kakayahan ang katawan na labanan ang impeksyon. Pero tandaang hindi lahat ng may diabetes ay nagkaroon ng ganitong mga problema.
Mahalagang mamuhay pa rin ng normal sa kabila ng pagkakaroon ng diabetes. Isa sa magandang halimbawa ay ang sikat na singer na si Gary Valenciano. Hindi naging hadlang ang kanyang diabetes para maging total performer siya sa bawat konsyerto kaya nabansagan siyang “Mr. Pure Energy.”