Loading...

Tuesday

Ang Pagsikat ng Hasht5


            Mukhang iba na talaga ang trip ng mga tao ngayon sa social media. May mga tao o grupo kasi bigla na lang sumisikat o ‘di mo akalaing sisikat. Ito ang panahon kung saan kahit na mga ordinaryong tao ay puwedeng maging internet sensation. Napakadali na kasing gumawa ng video o anumang gimik para mapansin ng kapwa mo netizen. Mayroong nabibigo at mayroon namang nagtatagumpay na mapansin. ‘Yun nga lang hindi lahat ay napapansin dahil marami ang natutuwa sa kanila kundi dahil marami ang naiinis o mga nangba-bash. Katulad na lang ng HashT5 na kasalukuyang sumisikat sa internet dahil kaliwa’t kanan ang natatanggap nilang pambabatikos mula sa netizens.

            Ang  Hasht5 ay binubuo ng limang kabataan mula sa bayan ng Cavite na pumupormang mga tila boy band. Itinatanong ng ilan kung sila na ba ang papalitsa Chicser o baka naman sila ang Pinoy Version ng F4 (naging lima nga lang sila). Pero napansin sila hindi dahil sa kanilang talento kundi dahil sa kanilang porma o hitsura. Sa loob lang ng ilang araw ay ang bilis dumami ng kanilang likes sa Facebook. Nang una ko itong makita ay nasa 50k plus na tapos isang araw lang ang lumipas ay umabot na agad ito ng 100k plus. Pero sa mga likers, kapansin-pansin na mangilan-ngilan lang ang totoo nilang fans dahil karamihan ay puro bashers. Samu’t saring panlalait na ang ibinato sa grupo lalong-lalo na kay Marlo Yanz Arizala na ginagamit pa sa comment picture ang kanyang litrato noong kulay pula pa ang kanyang buhok.

            Ilan lang sa mababasang komento sa fan page ng Hasht5 ay “ibalik n’yo ang ninakaw n’yong cp, kahit sim na lang,” “mag-ingat, mga mandurukot ‘yan”, “puwede ba akong sumali sa grupo n’yo dahil ‘di rin ako naliligo” “ang ganda na sana ng araw ko kaso bumungad pa kayo” at kung anu-ano pang klase ng pang-iinsulto. Kumbaga, inulan nang husto ng thrash talk ang page ng grupo dahil sa lakas ng kanilang self-confidence. May mga nagpapayo pa nga sa kanila na itigil na nila ang kanilang ginagawa dahil puro pambu-bully na ang inaabot nila mula sa netizens. Pero mukhang ‘di naman ito iniinda ng Hasht5 dahil sumasagot pa nga si Marlou sa mga komento ng mga tao sa kanila.

            Kalakaran na  ba talaga ngayon sa social media ang pagpapasikat? Gagawa ng video para mapag-usapan lang. Minsan hindi na importante kung may katuturan ba o wala ang pinaggagawa. Ang importante ay mapansin ng mga tao kahit pa puro pambaba-bash ang matanggap nila. Bago ang Hasht5 nauna nang sumikat ang Pabebe Warriors na puro pamba-bash din ang inabot mula sa netizens dahil sa beast mode nilang video na animo’y may importanteng ipinaglalaban. Imbes na indahin nila ang pamba-bash sa kanila ay naging  daan pa ito para makilala sila nang husto. Nagkainteres din kasi sa kanila ang mga giant network at ginaya pa ng mga artista ang kanilang video. Dina-dubsmash pa nga ito sa Kalye Serye ng Eat Bulaga. Baka ito rin ang dahilan kung bakit binabalewala ng Hasht5 ang mga pamba-bash sa kanila. ‘Ika nga ni Marlou, ang mga basher mismo ang nagpapasikat sa kanila.

            Matatandaang sa isang panayam ng media kay Vice Ganda, sinabi niya sa showbiz industry  basta’t napapag-usapan ka ay relevant ka pa rin. Pabor man ito sa iyo o hindi. Kumbaga, good or bad publicity is still publicity. Aminin man natin o hindi, marami namang papansin sa internet, pero iba talaga ang entrada ng Hasht5. Hindi lang basta kakaibang talent ang hinahanap ng mga netizen ngayon, kundi naghahanap din sila ng mapapagkatuwaan. Pero sana lang, huwag tayong masyadong maging harsh sa kapwa natin. Hayaan lang natin sila sa trip nila lalo na’t ang ginagawa ng grupo ay katuwaan din lang. 
Loading...