Loading...

Monday

Ang Nakaaasar na Cyber Bullying!

  
    Buhat nang mauso ang internet ay kasabay na rin nito ang pagsulpot ng mga bullshit, bully pala. Ibig sabihin hindi lang sa mga bata uso ang pambu-bully, pati na rin sa matatanda. Sila ang  mga mahihilig mag-comment sa Yahoo, Facebook, Twitter at iba pa. Kunsabagay, kahit naman sa tootong buhay ay marami ang mahilig mang-asar o mambuwisit. Katulad na lang ng mga taong mahilig magsalita sa likuran mo. Konting kibot o masilipan ka lang ng konting pagkakamali tiyak na may sasabihin ng hindi maganda sa iyo.  Sa internet pa kaya? Hindi mo naman sila kilala ng personal pero hayan at inaatake ka nila. Hindi mo tuloy malaman kung may ginawa kang masama o napagtripan ka lang ng kung sino’ng hinayupak dyan.
    Nabiktima ka na ba ng mga cyber bully? Kung anu-ano ang pinagsasabi nila sa iyo na ikinainit ng ulo mo. Nasabihan ka ba na supot, hindi naliligo, hindi nagsisipilyo, malakas ang putok, malakas humilik, walang kuwenta, walang binatbat at walang sinabi? Na ikaw daw ay mula sa angkan ng mga maligno at aswang? Buti kung ganun lang paano kung mistula kang isinumpa? Basta lahat na ng masasakit na salita na nakakapagpababa ng pagkatao. Kahit ano sasabihin nila magalit ka lang nang husto. Yung bang sa sobrang sakit ay gusto mong umiyak. Tapos mababasa ito ng ibang tao kaya’t magiging kasiraan ito sa iyo. Isipin pa ng makakabasa na ganun ka ngang klase ng tao. Halimbawang totoo ang sinasabi nila, wala silang karapatan na ipamukha nila ito. Sino ba sila para pagsalitaan ka nila ng ganyan? Baka maging theme song muna ang kanta ni Sampaguita niyan, yung “Nosi Balasi.”
     Sa internet kasi kahit sino ay puwedeng tumira na lang basta o manira. Ang masama ay wala naman silang pagkakakilanlan dahil di naman ginagamit ang tunay nilang pangalan. Mga wala ring mukha. Kung may mukha man ay ibang mukha naman ang ginagamit. Mukhang avatar o kung sino mang litrato na trip nilang gamitin. Sa isang iglap ay nagkaroon ka ng misteryosong kaaway. Dahil hindi mo nga sila nakikilala, paano mo sila hahabulin? Kailangan mo pang paimbestigahan sa NBI ang IP adress na ginamit nila para lang ma-detect kung sino. Masakit na sa ulo ay laking abala pa kapag nagkaganun.
     Huwag kang mag-alala matatapang lang ang mga ‘yan dahil hindi mo sila nakilala. Dahil kung matapang sila ay nakalantad ang mga yan. Kung nagmamatapang sila ipakita mo rin na matapang ka. Kung ano ang sinabi nilang masasama ay tumbasan mo. Ilabas mo na ang lahat ng mga mapanlait na salita na nalalaman mo. Kung ayaw pang tumigil ay huwag mo ring tantanan. Pero kung ayaw mo ng maraming salitaan hamunin mo lang ng suntukan, tadyakan, sabunutan o anumang uri ng karahasan. Makipaglaban sa mataong lugar para kung sakali mang ikaw ang masawi ay alam ng mga otoridad kung sino ang hahabulin. May tsansa kasi na ikaw ang unang tumimbuwang. Mahirap din kasi yung puro word war na lang. Maakusahan ka pa na hanggang salita ka lang naman. Ang isang bagay kapag hindi madaan sa sagutan, daanin na sa pisikalan. Ewan ko na lang kung hindi ka hinunting ng mga yan. Baka kasi malaman nila kung saan ka nakatira at saan ka nagpupunta dahil ipinaskil mo sa internet.  Kasalanan mo rin dahil masyado kang showy.
   Ke kilala ka man o hindi ay maaring mabiktima ng cyber bully. Yung iba dyan siguro kilala mo ng personal pero ayaw lang magpakilala dahil baka sugurin mo ng wala sa oras. Kaya nagtago na lang sa ibang katauhan. Kahit pagdududahan mo nga na siya yun ay mahirap patunayan dahil nagtatago nga. Maliban na lang kung umamin. Pero may kriminal ba na umaamin sa krimen na ginawa n’ya. Maliban na lang kung na-konsyensya o na-tortyur.  
    Ilang artista na ba ang nabiktima ng mga cyber bully? Aba’y marami-rami na rin. Ayan kasi ang hilig magti-tweet ng kung anu-ano. Siyempre, yung mga hindi nagustuhan ang sinabi nila ay magri-react. Mapa-simpleng banat man yan o violent reaction. Tao rin naman ang mga artista, may feelings kumbaga. Kaya nga nagagawa nilang patulan ang mga destructors nila sa net. Personalan na kasi kung minsan pati ang pamilya ay dinadamay pa. Pero sino ba ang panalo? E, di yung destructor pa rin. Biruin mo napalabas niya ang negative aspect ng isang kilalang personalidad. Na ang amo-amo sa TV pero matalim din pala ang dila. Yun ay kung masama nga bang maituturing ang makipagsagutan sa mga tumitira sa iyo. Gayung ipinagtatanggol mo lang naman ang sarili mo. Tama yan ano man ang sinabi mo ay paninmdigan mo. Hindi yung pagkatapos magbitaw ng mabibigat na salita ay biglang binura ang post.
   Pero minsan matutuwa ka sa mga nambu-bully sa net lalo na sa mga balita sa Yahoo. Sari-saring pang-aalaska ang mababasa mo sa mga komento. Nagsisilbi silang ice breaker ‘pag masyado ng seryoso ang usapan. Halimbawa na lamang ng paborito kong commentator na si Mr. Great Mind na ang profile pic ay mukha ni Albert Einstein. Kung makapag-comment ‘yun talagang wagas. Halos lahat na yata ng topic sinasalihan ng isang ‘yun. May artikulo lang tungkol sa isang rakista nag-comment agad ng “Addict!”
    Bakit nga ba may mga nambu-bully? Mga bitter ba talaga ang mga ito, insecure o ano? Puwede. Pero hindi naman laging ganun? May mga tao lang talaga na walang magawa sa buhay kaya’t ang naisip ay ang mainis. Di ba’t ang sarap sa pakiramdam kapag mayroon kang naiinis. Pero kung ikaw ang iniinis ay isa ka rin namang pikon. Pero may mga taong kaya  nambu-bully sa net dahil masyado silang nayayabangan sa taong tinitira nila. Masyado kasing assuming, feelingera at kung anu-ano’ng klaseng negatibong pag-uugali na sadyang kapuna-puna ang kanilang nakikita. Siya, siya andun na tayo. May kalayaan ang bawat isa sa atin na magbigay ng opinyon. Pero huwag lang masyadong below the belt ang banat. Kasi kapag personalan na, di na maganda yun.
        Halimbawang kung likas na ogag ka aba’y mag-ingat ka, ‘tol. Huwag maging kups sa kalsada o sa pampublikong lugar. Ok lang ang pagpapakitang gilas dahil kahit mabidyuhan o mapikyuran ka ay positibo ang magiging epekto nito sa iyo. Pero ang magpapaka-kups never na gagawin yun. Dahil uso na ngayon ang citizen journalism. Kapag napitikan ka na nananapak ka ng MMDA traffic enforcer kakalat ang litrato mo sa Facebook. Yan ang kapangyarihan ng social media. Magiging viral ka ayun nga lang sentro ka ng pambu-bully. Bababuyin ang pikyur mo at lalagyan ng masasamang salita. Gusto mo ba yun? Baka kapag nakita ka ng tao na pakalat-kalat ay bigla na lang may mambato sa iyo dahil sa inis. Kung hindi ka ba naman ubod ng yabang e porke’t may-kaya ka ay manghahamak ka na lang ng mas maliliit pa sa iyo.
Loading...