Loading...

Thursday

Ukay-Ukay, Patok na Negosyo

     Kahit saang sulok ka ng Pilipinas magpunta ay mayroong tindahan ng ukay-ukay. Isa lamang itong patunay na tinatangkilik ito ng mga Pilipino. Ang ukay ay walang ipinagkaiba sa ibang segundamanong produkto na puwede pang pakinabangan. Abot-kaya lang ang presyo nito kaya’t hindi mabigat sa bulsa.

        Iba-iba ang kuwento kung saan nagsimula ang ukay-ukay. May nagsasabing sa Metro Manila raw unang nagkaroon ng tindahan nito. May nagsasabi rin na ito ay galing sa mga donasyon. Imbes na ipamahagi sa mga nangangailangan ay ibenta ito ng ilan para pagkakitaan.. ‘Di nga nagtagal ay para itong epidemyang mabilis na kumalat sa bansa. Ang iba nga raw para makaiwas sa pagbabayad ng buwis ay idinadahilang gagamitin ito para sa donasyon. Pero ito ang sigurado, dagsa ngayon ang mga ukay na galling sa Tsina, Korea, US atbp. Na siya namang inaaray ng mga nasa Garment Industry sa atin dahil lubhang naapektuahan ang kanilang negosyo buhat nang mauso ang mga ukay. Kaya’t maging ang mga mall ay nakiuso na rin dahil mayroon na silang sariling bersiyon ng ukay. ‘Di ba’t  kahit mga mall ay nagbebenta ng damit na surplus?

        Hindi naman natin masisisi ang ating mga kababayan sa pagbaling sa ukay. Umiiral lang sa kanila ang pagiging praktikal. Sa hirap ba naman ng buhay sa panahong ito. Kahit nga ang ilang mayayaman ay mahilig din sa ukay. Halimbawa na rito ang pamoso at glamorosong si Gng. Imelda Marcos. Hindi kasi nakikita ang kagandahan ng damit sa presyo kundi nasa nagdadala. Aanhin mo nga naman ang branded eh tatak lang naman ang binabayaran mo rito. May mga tao nga na mas gusto pa ng ukay dahil unique ang disenyo, na hindi mo makikita sa iba. Pagalingan lang ‘yan sa paghahanap. Saka hindi naman itatanong nang makakakita sa iyo kung saan mo ito binili,

      Kung gusto mong magpraktis sa pagnenegosyo ng ukay mabuting magsagawa muna ng garage sale. Ipunin ang mga damit na hindi na ginagamit ng pamilya. Basta’t siguraduhing maayos pa ito at puwede pang gamitin. O ‘di kaya ay bumili ng mga damit sa kakilala at patungan na lang ito ng presyo kapag ibenenta. Kapag handa ka na sa malakihan ay maghanap na ng distributor ng mga ukay.
       O, ano pang hinihintay n’yo tara na’t maghalukay sa ukay-ukay!
Loading...