Loading...

Thursday

Tips Para Maging Maayos ang Bowel Movement


         Hindi ka ba mapakali dahil nahihirapan ka sa pagdumi? Dahil dito ay hindi komportable ang iyong pakiramdam at madalas ay sumasakit pa ang ulo. Aba’y kailangang mailabas ‘yan dahil mistula iyang lason sa loob ng iyong katawan kapag hindi nailabas.

           Sinasabi ng mga eksperto na kapag apat na araw ka ng hindi nakadudumi ay hindi na normal. Pero hindi nangangahulugan na kahit araw-araw ka pang dumudumi ay matatawag na itong normal. Ang mahalaga kasi ay hindi ka nahihirapan kapag dumudumi. Narito ang ilang tips para maging maganda at regular ang pagdumi.

          Ugaliing gumising ng maaga mula sampu hanggang labinglimang minuto kaysa iyong nakagawian at magrelaks muna ng kaunti. Pagkatapos ay sundan ito ng ehersisyo para makapag-inat-inat at nang matagtag ang dumi sa loob ng katawan.

          Kumain ng masusustansyang pagkain sa agahan. Kung maaari ay kumain ng kanin at samahan ito ng prutas lalo na ang papaya na kilalang nakatutulong sa mga taong hirap sa pagdumi. Pagkatapos mag-almusal ay umupo sa toilet bowl. Huwag masisiraan ng loob kung sakali mang hindi makadumi. Mahirap naman kasi kung pipilitin natin ito. Makatutulong ang pagbabasa ng anumang babasahin habang nagsisikap na dumumi dahil nare-relaks tayo.

         Kumain lagi sa tamang oras at bawas-bawasan din ang pagkain ng karne at pag-inom ng softdrinks. Mas makabubuting ang kainin ay mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng gulay dahil nakapagpapalambot ito ng dumi. Kumpara sa mga pagkaing matitigas at mahirap tunawin na nagiging sanhi pa ng mahirap na pagdumi.

       Siyempre, kapag madudumi na ay huwag itong pipigilin. Kapag nararamdaman nang sumasakit ang tiyan ay pumunta na agad sa palikuran. Kapag pinigilan kasi ay mahihirapan lang lalo sa pagdumi.

       Importante rin ang palagiang pag-inom ng tubig dahil nililinis nito ang loob ng ating katawan. Makatutulong din ang pag-inom ng gamot para maging maayos ang pagdumi. Kung sakali namang ginawa mo na ang lahat tapos ay hirap pa rin sa pagdumi ay komunsulta na sa duktor para mabigyan ng lunas ang problema.

Loading...