Loading...

Thursday

Spirit of Bethlehem Museum: Diwa ng Belenismo


     Ang Spirit of Bethlehem ay isang pribadong koleksyon kung saan ay tinipon ng may-ari nito na si Gigi Abaya-Carlos ang mahigit limang daang belen, nativity set, posters, painting at mga sculptures mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kung saan-saan niya pa nanggaling ang kanyang mga koleksyon. Merong galing sa Estados Unidos, Mexico, Spain, Israel, Africa, China, Guatemala pati na rin sa iba’t ibang lupalop ng bansa. Sinasabing 80 porsiyento ng belen na naka-display dito ay gawa sa Pilipinas.

            Si Gigi ay isang deboto ng batang Hesus, ito ang nagtulak sa kanya para mangulekta ng mga bagay na may kinalaman dito. Karamihan sa mga ito ay nabili niya habang ang ilan naman ay iniregalo sa kanya ng mga kaibigan. Ang kauna-unahang belen set ay nabili niya sa Catholic Trade School sa may tayuman noon pang 1952. Sa tagal nang nagsimula siyang mangolekta ay hindi nakapagtatakang dumami nang husto ang kanyang koleksyon. Para maibahagi sa publiko ay ginawan na ito ng museum ng kanyang pamilya.




            Ang bawat koleksyon ay nagpapakita ng kultura ng bansang pinagkuhaan nito. Bawat belen ay may kanya-kanyang interpretasyon o pagsasalarawan ng kapanganakan ni Hesus. Samu’t sari rin ang materyales na ginamit sa paggawa ng mga ito. Mayroong gawa sa seashells, bato,clay at iba pa. Kapansin-pansin na talagang pinag-isipan ng mga gumawa dahil detalyado at pulido ang pagkakagawa ng mga belen. Hindi ka lang basta hahanga kundi mararamdaman mo rin ang pinakamensahe o nais ipahiwatig ng mga obra.



            Kapag narito ka sa museum ay buhay na buhay ang diwa ang Pasko. Kapag araw kasi ng Pasko, ito ang panahon na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang kapanganakan ni Hesus. Pero siyempre, ang museum ay hindi lang bukas tuwing panahon ng Kapaskuhan. Bukas ito buong taon para sa mga gustong makakita rito.



            Nagkakahalaga lang ng 75 pesos ang entrance fee rito. Kapag isa kang guro basta’t magpakita lang ng ID ay libre ka. Mayroon namang 20% discount kapag senior citizen. Karugtong lang ng The Spirit of Betlehem ang Museum of Miniatures at ang maganda ay iisa lang ang entrance fee para sa dalawang ito. Matatagpuan ito sa 2nd level, E-com Building, Riverbank Centers.
Loading...