Loading...

Thursday

Polymer Clay Business 101


   Kay gandang pasmasdan ng mga produktong gawa sa polymer clay dahil talagang kakaiba ang mga ito. At ang paggawa nito ang nakahiligan ni Reizelle Joyce Geronimo ng Malolos, Bulacan. Nagkaroon rito ng interes si Reizelle nang minsang makakita siya ng napakaliit na  miniature foods, cup cakes at iba pang produkto na gawa sa clay. Namangha siya sa mga miniature foods dahil mukhang totoo kaya’t parang natakam pa siya. Meron pa siyang nakita na gamit na parang pang-doll house. Kung bata nga lang siya ay tiyak na gustung-gusto niya ito para sa mga barbie dolls niya noon.   

    Dahil si Reizelle ay isang artist, gusto niya na mag-eksperimento ng kung anu-ano.  Kaya’t ang ginawa niya ay nagsaliksik siya kung paano gawin ang medium na polymer clay na madalas na ginagamit sa artisan crafts ng mga sculptures at hobbyist. Ayon sa kanya ay napaka-flexible ng medium na ito. Hindi lang ito ordinaryong clay gaya ng mga air dry clayterracota clay o ‘yung plasticine clay na pinaglalaruan ng mga bata.

     Ipinaliwanag ni Reizelle na ang polymer clay kapag binake mo at tumigas, hindi ito madaling mabasag tulad ng air dry clay na karaniwang ginagamit sa paggawa ng paso. Ang maganda pa, maraming puwedeng gawin sa polymer clay gaya ng jewelries, accessories kung saan ay puwedeng magaya ang totoong itsura ng opal, gold at stones. Puwede rin itong gawing mukhang totoong pagkain na madalas ginagawang pan-display sa mga food shop.  Puwede  rin itong gawin bilang simpleng souvenir.

Ibinahagi ni Reizelle ang paggawa ng polymer clay product. Narito ang kanyang paraan para rito:

POLYMER CLAYS
Maraming brand ng polymer clays na available sa market ngayon. Ang pinakasikat na polymer clay ‘yung Sculpey, pero may iba pang brand tulad ng FimoPremoBakeshop at Pluffy. Nabibili lang ito sa Deovir Art Supplies. Pero meron na ring nabibilhan na pang-wholesale sa mga online market gaya sa Multiply o Facebook  na mga polymer clay artist din ang nagpapatakbo. Makakamura rito, ang kaso madamihang order ang kailangang bilhin sa kanila. Ang polymer clay, nagri-range lang ito ng 100 pesos pataas, depende sa brand. Ang isang bar lang nito ay four slices, 2 oz. kada 57g. Pero meron namang nabibili nito na 1 lb. na bar. Kaso medyo may kamahalan at umaabot ng 600 pesos, depende  pa rin sa brand. Mas makatitipid ka rito dahil mas marami kang magagawa. ‘Yun nga lang ay isang kulay lang ito. Kaya mas maganda pa rin ‘yung tig-isandaang piso para marami ka pang kulay ng clay na mabibili. Mga nasa 40 plus ‘yung mga kulay na mabibiling polymer clay. Meron pa ngang glow in the dark o kaya gold, silver at pearl. Hindi lang basta ordinaryong kulay gaya ng ordinaryong clay na nilalaro natin nung bata pa tayo (‘yun ‘yung plascticine clay) na mabibili mo lang sa P20.00 kada pakete.

Medyo may kamahalan lang talaga ang polymer clay kumpara sa ibang clay gaya ng sa teraccota clay na nabibili lang ng 50 pesos kada kilo. Pero sulit naman dahil matibay talaga ito at hindi mo na kailangan pang gumastos para sa acrylic paint na ipang-kukulay sa clay.

SCULPTING TOOLS
Sa polymer clay para ka ring nag-i-isculpture, puwede mong i-apply dito ‘yung iba’t-ibang techniques sa pag-sculpt. Puwede kang mag-modeling, casting, assembling o mag-mixed media. Kahit ano pwedeng gawin sa polymer clay. ‘Yung mga tools, puwedeng i-self improvise mo na lang. Katulad ni Reizelle, hindi na siya bumibili ng mga sculpting tools na isang set, na ibinibenta sa mga art shop. Una, mahal kasi ito, mga nasa 500 pesos kung bibilhin. Eh, kung ipambili mo na lang ng clay ‘yun. Pangalawa, puwede namang mag-improvise na lang.

           Ang puwede mo na lang bilhin na tools na pang-ukit ay ‘yung dentist tool.Nagkakahalaga ito ng 120 pesos. Pointed tip kasi ‘yung dulo nun. Pwedeng pangsundut-sundot ‘pag medyo grabe ‘yung detalye na ginagawa mo na hindi kaya ng mga kuko o daliri mo. Puwede ring bumili ng pusher na panglinis ng kuko dahil double purpose na ito. Kasi ‘yun isang flat at isang pointed tip, na napaka-useful talaga. Kung ano ang makita mo sa bahay na tingin mo ay puwedeng mong magamit ay kunin mo lang. Gaya nang ginawa dati ni Reizelle, kailangan niya ng pang-texture sa cake. Para magawa ‘yung effect na parang sa totoong tinapay ginamitan niya ito ng dentist tool bilang pang-texture. Ang kaso medyo nakakapalan siya sa pointed tip kaya naghanap siya ng mas manipis at pino. Dito niya naisip na kunin ang disposable insulin injection ng kanyang ina. Para mapabilis at mapadali ang proseso, naisip naman niyang kunin ang sandpaper na nasa tool box ng kanyang ama. Aniya, “Puwede rin namang gumamit ng mga pebbles, sands na iba-ibang kulay na nabibili din sa mga art shops, na puwedeng pang-dagdag effects sa polymer crafts mo. Puwede din ‘yung lumang make-up kit ng ate mo,’yung mga eye shadows na puwedeng pang shade-effects. Ganun lang, para-paraan lang.”  Ipinupunto niya ang importante ay mapagana mo ang iyong pagiging malikhain kasabay nang iyong pag-ieksperimento ng walang gaanong gastos. Nalilibang ka na ay puwede ka pang kumita.

 JEWELRIES SUPPLIES
   Pakaw, hikaw, alambre para sa jewelry-making, singsing na mabibili ng mura sa Divisoria. Ang isang supot nito ay mabibili ng sampu hanggang dalawampung piso. Nasa dalawampung piraso kada pakete ang laman nito. Minsan lumalabas na piso o centavos na lang ang costing nun, tubong lugaw na!


TOASTER
     Kung may toaster sa kusina ng bahay n’yo ay puwede na itong gamitin. Kapag magbi-bake ng clay puwedeng sundin ang temperatura na nakalagay sa packaging na '270º F / 130º C in 15 minutes'. Puwede rin namang huwag itong sundin. Ang technique rito ni Reizelle, “Kapag manipis at maliit ‘yung clay, ibi-bake ko lang ‘yun for 5 minutes. Saglit lang maluto ‘yung maninipis na clay at mabilis ding masunog lalo na ‘pag light color pa o puti ‘yung clay na ginamit.” Kaya hindi niya ito iniiwan o kung iwan man niya ay nakabukas ‘yung mismong glass cover ng toaster. Hindi niya ito isinasara dahil masyadong mainit. Madalas dati ay nasusunugan siya kahit sinusunod naman niya ‘yung tempratura na nakalagay sa package ng toaster.

    Kapag nakakapalan naman siya sa clay, mga sampung minuto kung ito ay kanyang i-bake. Kapag hindi mo ito naluto nang maayos ay hindi gaanong matibay ang iyong produkto.  Medyo malambot ito at saka magka-crack. “Dapat matigas o kaya para mas surebol, ibini-bake ko ng 5 minutes ‘yung clay. Tapos papalamigin ko, tapos ibi-bake ko uli ng another 5 minutes,” ani Reizelle. Ginagawa niya ito para siguradong hindi siya masunugan ng clay. Ayos lang naman diumano ang mag-bake nang mag-bake ng clay basta huwag lang masobrahan sa bake dahil siguradong matutusta ito!

 GLAZING/FINISHING O PAMPAKINTAB
    Pagkatapos mong  i-mold ‘yung clay at i-bake, siyempre kailangan mo ng pang-finishing. Sa madaling salita, pampakintab para magmukhang mas maganda talaga. Kailangan mo ng liquid na pampakintab na ginagamit talaga para sa polymer clay. Ipinapahid ito pagkatapos i-bake ‘yung clay. Huwag gagamit ng ibang pampakintab gaya ng cutix o emulsion. Nagri-react kasi ang kemikal nito sa polymer clay.Maglalagkit ‘yung na-bake mong polymer clay at lahat ng dumi ay kakapit sa clay. Kaya mas maganda kung bibili ng polymer glazing. Meron namang nabibili na P250.00 na 8oz/236ml. Kahit konting pahid lang ng glazing ayos na. Magsisilbi na itong pampatibay at pampakintab.

    Ayon kay Reizelle, ang sikreto para sa matibay na polymer clay products, pagkatapos itong mai-bake sa toaster ilublob agad ito sa tubig na may yelo. Wala namang problema kung mabasa ng tubig ang polymer clay bagkus ay pampatibay pa nga ito. Magpi-firm kasi lalo ‘yung clay. Pagkatapos ilublob sa tubig ay punasan na lang ito para madaling matuyo.

COSTING
    Ang bentahan sa polymer clay ay nakadepende sa desinyo at kung gaano kadami o kalaki ang nagamit na clay sa isang craft, kasama na rin ang labor cost. Sabihin na nating gumawa ka ng costumized na hikaw at dalawang kulay ng polymer clay ang nagamit sa isang specific na craft, pero nakapag-produce ka ng 50 piraso na hikaw. Two hundred pesos ‘yung clay, tapos 20 pesos naman ‘yung isang pack ng ring. Tapos ‘yung glazing P250.00 (na magagamit mo pa sa susunod). Tapos ‘yung plastic packaging para sa finished products nabibili lang din sa Divisoria ng 20 pesos kada 50 piraso. Kuwentahin mo lahat:
P200.00 - clay
P20.00  - bag of rings
P20.00  - plastics
P250.00 - glazing
__________
P490.00/50 pcs = P9.80 lang lumalabas kada pares ng hikaw, tubong lugaw! Ikaw na ang bahala kung magkano ang talent fee mo o labor cost mo. Puwedeng gawing 50% ang tubo, mabebenta ng P30.00 ang bawat pares ng hikaw. Kung mabebenta mo lahat ‘yung P30.00x50 pcs. = instant P1,500.00. P1,00.00 ang tubo mo, P500.00 lang ang puhunan na ginastos mo. Paano kung bibili ka pa ng wholesale na mga polymer clay? Mas makakamura ka para sa puhunan mo kaya mas malaki ang iyong tutubuin.



    Meron ngang mga ibinibentang kikay jewelries na gawa sa polymer clay sa internet o sa mga mall na ang presyo ay 50-150 pesos, depende sa desinyo. Meron pa, ang liit lang ng polymer na nagamit pero ang presyo ay nasa 50-70 pesos na. Merong mga polymer artist na nagbebenta ng gawa nila mula tatlo hanggang limang libo depende sa laki ng pigura. Kadalasan nasa anim na pulgada lang ang taas. Sinabi ni Reizelle na ganun talaga ang presyuhan sa ganitong klase ng handmade craft. “Kasi ang binabayaran mo dun ‘yung talent, idea, at ‘yung hardwork ng isang artist. Kailangan lang talaga malaman ng mga buyer ‘yung halaga ng handicrafts at ma-apreciate ‘yung originality nito,” pagbibigay diin niya. 
Loading...