Loading...

Thursday

Photography Business 101


Likas na masipag si Jai Esturco. Bukod kasi sa pagnenegosyo ng siomai ay isa rin siyang litratista. Nang magpasiya siyang mag-aral ng potograpiya ay maraming tutol dito. Sinasabi ng iba sa kanya na marami ng litratista, dadagdag pa ba siya? Gutom lang ang aabutin niya rito. Pero hindi siya nakinig sa kanila. Ang importante ay ang matuto muna siya saka na niya inisip kung magkano ang kanyang kikitain. Nagkaroon siya ng interes dito dahil ang kanyang bayaw at kuya ay event photographer. Para maiba ay fashion photography naman ang kanyang pinag-aralan.

    Ayon kay Jai ay may iba’t ibang klase ng shot. Kabilang na rito ang mid shot, close up at extreme close up. Kapag sinabing fashion photography nakapokus ka sa subject mo. Kapag landscape photography naman, ang malawak o maluluwag na area ay tinitingnan mo ng isahan lang. Meron ding tinatawag na rule of third, kung saan ang subject mo ay nasa gitna o nasa gilid. Kailangan aware ka sa ganitong bagay. Minsan kasi may mga shot na kailangang lagyan ng produkto sa gilid. Kailangan mag-iwan ka ng lugar para doon.

    Nang matapos ang pag-aaral niya sa fashion photography, eksakto naman na nagkita sila ng dating kaklase sa kolehiyo at sinabi sa kanya nito na may kaibigan itong publisher ng magasin tungkol sa manok. Kaso, ang problema pang-landscape ang ganito. Pero kahit walang alam sa naturang bagay ay pinag-aralan niya ito hanggang sa matutunan. “Ang importante, meron kang basic na kaalaman, mai-explore mo through experience. Matutunan mo ‘yung ibang bagay. Kahit paano may konting research pa rin saka common sense. Tanung-tanong din,” aniya. 

    Sinabi ni Jai na kabado rin siya noong una pero kapag may dedikasyon ka naman sa trabaho mo ay madali mo nang matututunan ang isang bagay. Importante rin na huwag hahaluan ng kalokohan ang trabaho. Halimbawa, kung babae ang kinukunan ay huwag magkaroon ng malisya ang tingin dahil mawawala ka sa pokus.

    Siyempre, nagagamit din ni Jai ang kanyang nalalaman sa fashion photography. Dito, hindi ka lang basta naglilitrato kundi alam mo rin ‘yung mga basic pagdating sa make up. Para ka na ring stylist. Saka kailangan, mayroon ka ring sense of fashion. Alam mo kung magbi-blend ang mga damit o hindi. “Sa kulay, minsan may sinasabing color blocking ang suot ng isang tao, minimum of three colors. Siyempre, nasa kulay, nasa design na rin ng damit yan, eh. Pero minsan ibabagay mo ‘yung sapatos sa damit, may mga ganung tema. ‘Yung background depende sa shot,” paliwanag niya. Minsan ay meron ding tema.  Halimbawa, kapag sinabi ang tema ay 60’s dapat ang make up at suot ay pang-60’s talaga. Hindi ‘yung moderno ang porma ng modelo.

    Kapag nagka-capture ka naman ng moments kailangan dito ay nakatutok ang shot. Ipinapakita mo kasi ang reaksyon ng isang tao. Dito pasok ang tinatawag na stolen shot. Ani Jai, kailangan dito ng mid shot o kaya tight shot. Puwede rin ang close up. Kailangan ay aanggulo ka rin. Halimbawa, nakayuko ka, hindi puwede ‘yung pupuwesto ka sa likod ng kukunan mo.

    Kapag gusto mong pasukin ang pagiging photographer huwag basta kahit ano’ng camera na lang ang bibilhin. Sinasabi kasi ng iba na bumili ka muna ng murang kamera. Tapos kapag natuto ka na saka ka bumili ng mamahalin. Kasi kapag natuto ka sa mumurahin, lahat ng kailangan para makakuha ng magandang litrato na gusto mong makita ay wala rito. Ang pinakapraktikal na gawin ay bumili na ng mamahaling kamera. Kagaya nang ginawa niya noong bago pa lang siyang natuto. Kapag ganito ang gamit mo, iisipin pa ng mga makakakita na professional ka dahil pang-pro na ang gamit mong kamera.

    Kailangan dito ng malaking investment. ‘Di lang isang kamera ang kailangan, kailangan dalawa o higit pa. Dapat meron ka ring lens na pang-wide, pang-mid-range at merong seme-telephoto kapag event ang kukunan mo. Kailangan mo rin ng flash at trigger. Nasa 400 thousand ang naging puhunan ni Jai para sa negosyong ito.  Ang nasabing halaga ay sapat na para makapagtayo rin ng photo studio. Kailangan ito, dahil unang-unang tinitingnan ng mga tao ay ang iyong kredibilidad. “Pag wala kang studio, saan ka naman nila hahanapin? Unlike kapag meron, isisipin nila parang napaka-professional mo dahil meron kang opisina,” aniya.

    Isa sa pinagkakakitaan ni Jai ay tuwing kinukontrata siya para sa kasal. Kapag litratista ka dapat ay marunong ka ring mag-video. Ang gusto kasi ng mga kostumer na ibidyo rin ang mahalagang okasyon na ito sa kanilang buhay. Puwede ka ring gumawa ng AVP para sa mga estudyante.

    Nakakakuha ng kostumer si Jai sa pamamagitan ng rekomendasyon na rin ng kanyang mga suki. Siyempre,uso na ngayon ang paggamit ng social media kaya nagpu-post din siya sa Facebook. Sa pamamagitan nito ay nalalaman ng mga tao kung paano siya magtrabaho. Kailangan ay meron kang portfolio. Ito ang magpapakita kung may mga gawa kang maganda. “Ang presyo mo kasi nagbabase rin dun. Kung may mga na-shot ka ng artista. Tataas ng konti ang bayad sa iyo. ‘Di lang yun, ‘yung quality ng trabaho mo,” paliwanag niya. Isa sa malaking personalidad na kanyang nakunan ay ang sikat na si Chef Rose Bud Benitez.

    Importante rin na meron kang grupo. Meron kasing naiinis kapag nadadagdagan ang hanay ng mga photographer dahil iniisip nila na kakumpetensiya nila ang mga ito. Ayon kay Jai, mali ang ganitong kaisipan. Importanteng makipag-kaibigan sa kapwa mo photographer dahil kapag may nakuha kang malaking proyekto ay meron kang kasama. Kapag wala kang grupo, sino ang magiging point shooter mo? Kapag sila naman ang mayroong proyekto ay puwede ka rin nilang kunin. ‘Di ba’t ang ganda, nagkatulungan pa kayo?

    Para kay Jai ay walang magaling pagdating sa photography dahil isa itong art. Hindi rin dapat isipin ng litratista na siya ay napakagaling. Dahil may mga bagong software at camera na lumalabas. Kaya’t hangga’t maaari ay maging updated. Ipinapayo ni Jai na kung gusto mong pasukin ang photography, alamin muna nila sa sarili nila kung gusto ba nila talagang matuto. Isipin ding mabuti kung kakayanin bang bilhin ang kakailanganing mga gamit. Kung ilang piraso lang diumano ang gamit mo ay mahihirapan kang sumabay. Madidismaya ka lang kasi sa mga kasabay mo na magaganda ang kamera.

     Isa pang mahalagang leksyon mula kay Jai, tandaan kapag kumukuha ka ng litrato importanteng pag-aralan mo ang pagkuha ng iba’t ibang anggulo. Kung meron ka mang hindi pa alam, magsaliksik lang. “Then, doon na papasok ang pagiging creative mo as an artist. Magdagdag ka na kung ano ang gusto mo para mapaganda ‘yung kuha mo,” pagbibigay diin niya.
Loading...