Loading...

Monday

Paano Mag-recycle ng Pagkain?

       
      Napakamahal na ng mga bilihin ngayon kaya dapat maging wais. Ang mga tirang pagkain ay huwag basta itapon dahil puwede  pa itong kainin. Bukod pa riyan ay mabibigyan ng bagong lasa ang tirang pagkain. Siguradong hindi lang tiyan ang makikinabang kundi pati na rin ang bulsa dahil makakatipid ka. Ano pang hinihintay mo, luto na, kapatid!

     Ang mga tirang tinapay ay puwede pang i-recycle, ipunan muna ang mga ito at ilagay sa ref para gawing pudding. Kapag walang palamigan gamitin agad ito bago magkaroon ng amag. Puwede ring gawing toasted bread, kapag walang oven ay initin na lang sa kawali hanggang sa tumigas. Kung hindi naman ay itusta ito at dikdikin nang pino para magamit sa paggawa ng bola-bola, hamburger atbp. Kapag kanin naman ang pag-uusapan, ang natira ay puwedeng isangag bago pa mapanis gaya ng ginagawa ng marami. O 'di kaya'y  ibilad ito sa araw para gawing ampaw o amarayin sa wikang Ilokano. Kaskasin ding mabuti ang nakakapit na tutong sa loob ng kaldero para maihalo kapag nagsaing uli.

     Pagdating naman sa tirang isda ay magagamit uli ito. Halimbawa, kapag prito ay puwedeng ihalo sa mga lutong gulay gaya ng pinakbet, diningding atbp. Puwede ring gawing eskabetse, relyeno at sirsiyado. Samantalang ang pinaksiw na isda o sinabawang isda ay puwedeng prituhin naman. Kapag tirang gulay naman gaya ng repolyo, karot atbp. na galing sa nilaga at gisado ay puwedeng ihalo sa chopsuey at lumpia. Puwede pa ngang gawing okoy lalo na iyong toge. Tapos ay gamitin ang sabaw ng tirang gulay para gawing salsa.

     Eh, paano naman sa tirang itlog? Ang labis na piniritong itlog ay puwedeng gamiting panahog sa sopas, sinangag o kaya'y  palaman sa tinapay. Samantalang ang tirang karne naman ay magagamit na panahog sa paggigisa ng gulay panghalo rin sa sopas.

      'Di mo na naman pala kailangang mag-isip lagi ng kung ano na naman ang iluluto. Dahil kahit sa mga tirang pagkain ay may magagawa ka pa panibagong putahe. O ano tara, kain na.

Loading...