Loading...

Monday

Multi-Level Marketing: Negosyong In na In

        
      Magmula nang magkaisip si Anna, ipinagpapalagay niya na ang networking ay isang scam kung saan kakailanganin mong magbayad kapalit ng mga produkto at kikita ka lang kapag may mga na-recruit ka na mga bagong miembro sa pamamagitan ng pagkuha ng porsiyento mula sa kanila. Gaya niya noon, ang tingin pa rin dito ng marami ay masama ang ganitong uri ng sistema dahil pinagkakakitaan mo ang mga taong na-recruit mo. Madalas ay mga kaibigan mo o at kamag-anak. Pero kung iisipin, hindi naman talaga masama ang ganitong sistema. Dahil hindi naman ito magtatagal kung masama nga ito. Bakit maraming tao at kumpanya ang nagtatagumpay sa networking?

    Ayon kay Anna,  ang MLM ay isang sistema kung saan may mga produkto na dapat ipakalat sa mamimili sa tulong o sa pamamagitan ng mga grupo ng users (mga taong may matinding pangangailangan sa produkto), retailers (mga taong may natural na galing sa pagbebenta) at network builders (mga taong nagnanais kumita ng malaki at tumulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang oportunidad). Sa ganitong sistema, hindi na kinakailangan pa ng mga commercial, billboards, tarpaulins, brochures at kung anu-ano pang uri ng advertisements. Dahil dito, ikaw ang sikat. Ikaw ang artista o modelo ng produkto mo!

    Noong una ay allergic si Anna kapag naririnig ang salitang networking. Ayaw niya kasing magaya sa mga taong nalugi at nabaon sa utang dahil sa pagsali sa networking. Isa pa, ayaw niyang masabihan ng iba na manloloko at imoral. Ganun ang pagkakaalam niya dahil ganito rin ang madalas niyang marinig. Ani Anna, “Hindi ko nga alam kung ba’t ako napasok dito? Ako na
sobrang mahal ang trabaho at opisina, ako na walang pakialam sa mga tao, ako na ayaw makipag-usap sa mga tao?”

    Meron siyang ka-Facebook na kakilala niya noong siya ay nasa kolehiyo pa sa UPLB. Naimbitahan siya ng kaibigan ng ka-Facebook niya na pumunta sa birthday party nito. Ito ang kanilang unang pagtatagpo. Makalipas ang dalawang taon ay nag-message kay Anna ang ka-FB. Bigla na lang itong nagparamdam sa kanya at inaanyayahan siyang magkape sa Ortigas. “Kinukumusta niya ‘yong pamilya ko, ano’ng ginagawa ko sa trabaho, masaya ba daw ako sa estado ng trabaho ko? Magkano ang kinikita? anong mga ginagawa ko pagkagaling sa trabaho? may iba pa ba akong pinagkakaabalahan bukod sa trabaho at pag-gimik, etc,” mahabang sabi ni Anna. Hindi naman sila close pero kung makatanong ang ka-FB ay ganun na lang. Nagtanung-tanong din si Anna hanggang sa dumating sa punto na inilahad na ng ka-FB ang gusto nitong sabihin. Doon sinabi ng ka-FB na balak na nitong magbitiw sa trabaho dahil mayroon itong part time job na mas malaki ang kinikita kaysa sa pangunahing trabaho nito. Nagulat si Anna kasi base sa mga kanyang mga narinig ay maganda naman ang trabaho ng ka-FB. Naipadala pa nga ito sa ibang bansa ng kanilang kumpanya. Naging interasado tuloy si Anna sa part time job ng ka-FB dahil ibang klase talaga. Saan ka nga naman makakakita na mas malaki pa ang kita ng part time job kaysa pangunahing trabaho? 

    Hanggang sa magkita uli siya ng ka-FB makalipas ang isang linggo at isinama siya nito sa opisina nila. “Wala akong masabi, sobrang impressed ako sa buong presentation at manghang-mangha sa mga taong nakasalumuha ko sa loob ng opisinang iyon,” aniya. Pag-uwi niya sa boarding house na kanyang tinutuluyan ay halos ‘di siya makatulog sa kanyang mga narinig. Kina-Lunesan ay sumali na siya at nagbayad at agad siyang nakakuha ng produkto. Hanggang ngayon nay wala pa ring masabi si Anna dahil napakaganda ng naidulot ng produkto sa kanya at maging sa kanyang pamilya. “At higit sa lahat, hindi rin naman talaga pangkaraniwan ang extra income na ibinigay nito sa akin. Extraordinary income pa nga kung minsan,” pagmamalaki niya.  

    Maraming nakilalang tao si Anna na talagang nagbago ang buhay sa tulong ng mga MLM. Kung susundan lang natin diumano ang mga naging yapak nila ay mapapantayan o maaaring malampasan din natin kung anuman ang meron sila ngayon. “Pero siyempre, hindi rin naman sila naghintay lang ng perang babagsak sa harap nila. Hirap, pagod, puyat at pawis din ang ipunuhunan nila dito,” paggigiit niya. Alam niya ito dahil sa loob lang ng maiksing panahon sa ganitong sistema ay halos sumuko na siya sa hirap. Kaya paano pa raw ang hirap na naranasan ng mga taong nagtagal sa ganitong sistema? Para kay Anna, hindi lang pagbabago sa estado ng buhay ang naidudulot ng MLM sa buhay ng isang tao. Sa tulong ng MLM ay natutunan niya rin ang maging sensitibo sa pakiramdam ng ibang tao. Natuto siyang magpakumbaba at natutunan niya rin ang makisalamuha at makisama sa ibang tao. Higit sa lahat, natuto siyang maging mautak sa paggamit ng pera. Mga bagay na hindi niya natutunan sa loob ng labinlimang taong pag-aaral niya.

    Sinabi ni Anna, noong mga bata pa lang tayo ay sinasabi sa atin ng mga magulang natin na kailangan nating mag-aral ng mabuti para magkaroon tayo ng magandang  trabaho sa hinaharap. Ganito rin ang kaisipan ng mga magulang ni Anna. Nang makapagtapos ng kolehiyo at makapasa sa board exam akala niya ok na ang lahat. Dahil magkakaroon na siya ng trabaho kaya makakatulong na siya sa pamilya. Pero mali ang lahat ng kanilang inaakala. Sa totoong buhay kasi ay mahirap ang maghanap ng trabaho. At noon namang magkaroon na siya ng trabaho ay ‘di naman sapat ang suweldong kanyang natatanggap. Kung susumahin ang lahat nang nagastos sa pag-aaral natin ay hindi ito mapupunan ng tatanggapin nating suweldo. Naisip niya lang ang mga bagay na ito nang napasok siya sa MLM. “Puspusang pag-aaral at training din ang ginawa naming para maging maayos ang takbo ng aming MLM business. Pero talaga namang maganda at malaki ang kapalit nito. Sabi nga sa amin, aralin lang namin ang business sa loob ng anim na buwan ay pwede ka na talagang kumita ng malaking halaga,” dagdag pa niya.


Paano Magtagumpay sa MLM?

Maraming bagay na dapat isaalang-alang para magtagumpay sa MLM. Hindi ito madaling gawain. Ibinahagi ni Anna ang kanyang mga natutuhan sa loob ng sampung buwan. Narito ang ilan sa mga batayan para maging matagumpay sa buhay-MLM.

1. Sarili. Unang-una sa lahat, dapat ay desidido ka na gawin ito. Kailangan din na malakas ang iyong paniniwala na magtatagumpay ka sa larangang ito. Maraming tao ang magtutulak sa iyo paibaba at magsasabi na hindi mo kaya ‘yan, na wala kang patutunguhan sa MLM. Pero hindi naman sila ang nakakita ng oportunidad kundi ikaw. Kaya kung tutuusin, hindi ka dapat nakikinig sa sasabihin ng ibang tao. Makinig ka sa mga taong matagumpay. Iwasan din ang mga taong negatibo ang pananaw dahil kung sila lagi ang kasama mo, maaaring maging ganun din ang iyong pananaw. Ang tagumpay sa MLM ay 99% subalit ang 1% ay galing mismo sa sarili mo. Dapat mong alisin ang pride, takot, pangamba, pagsisi sa iba at higit sa lahat ang procrastination. Ang mga bagay na ito ang magpapabagsak sa iyo.

2. Layunin. Bakit mo ba ito kailangang gawin? Ano ang iyong mga gustong makuha o makamit? Mukhang simple pero mahirap sagutin. Dapat ay tiyak ang iyong sagot. Ang mga sagot sa tanong na ito ang siyang magbibigay sa iyo ng motibasyon at gabay para patuloy na kumilos.

Ano: “To make a monthly income of ________. To accumulate _________ after ___________.

Bakit: “Find your deeper why.”

3. Kumpanya. Dapat alamin kung maganda ba talaga ang kumpanyang iyong sasalihan. Hindi naman siguro tayo papasok sa isang kumpanya kung ito ay pasara na o nalulugi na. Kilalanin din ang nagmamay-ari at iba pang kasapi ng lipon kung sila ba talaga ay may kapasidad na magpatakbo ng isang kumpanya. Dapat din na may kredibilidad ang mga ito. Sunod na tingnan ang mga produkto. Ang isang MLM ay matatawag na scam kung walang produkto, dito pumapasok ang ideya ng recruitment at referral fees dahil kumikita lamang sila sa recruitment. Sa pagtingin naman ng mga produkto, ito ay dapat lamang na ginagamit sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao. Alamin din ang USP (unique selling proposition) ng iyong produkto upang madali mo itong maipamahagi.

4. Pundasyon. Tingnan ang larawan sa ibaba. Alin sa apat na ito ang sa tingin ninyo ay magtatagal at alin naman ang unang mabubuwal? Ito ay tumutukoy din sa iyong paniniwala. Sa unang bahagi, kahit mataas na ang kanyang narating, darating din ang panahon na mabubuwal siya at babagsak ulit sa lupa. Upang mapalalim ang pundasyon sa larangan ng MLM, kailangan mo ng sapat na kaalaman, oras, diskarte, mga gamit at higit sa lahat ay ang magandang pag-uugali. Hindi ba’t mas maganda kung mas malalim ang iyong pundasyon, ang iyong paniniwala? Hindi lamang sa MLM ito maaaring gamitin, kundi maging sa ibang aspeto rin ng ating mga buhay.

5. Tamang Tao. Bukod sa iyong sarili, nararapat ding bigyang-pansin ang mga tao sa paligid mo. Piliin ang mga taong sasamahan. Sundin ang yapak ng mga matagumpay sa larangang iyong napili.Choose well. Teach well. Coach well. Reward well.


 6. Tamang Grupo. Maraming grupo sa mga ganitong kumpanya. Kailangan mo ring matutunang timbangin kung sino ang sasapian mong grupo.

7. Patutunguhan. Saan ka patungo? Nararapat mong alamin ang iyong mga layunin sa buhay (short-term at long-term goals). Ilista mo ang lahat ng iyong gustong makamit. Puwede ka ring gumawa ng dream board kung saan nakalagay ang lahat ng iyong mga naisin maging ang deadline kung kalian mo ito gustong makamit pati ang halaga nito. Ito ay isang simpleng paraan sa paggamit ng Law of Attraction. 
Loading...