Loading...

Thursday

Mga Pagkaing Halal sa Quiapo

Photo link
               Ang Quiapo ay sikat dahil sa Quiapo Church o Minor Basilica of the Black Nazarene. Nagkalat din dito ang mga nagtitinda ng murang produkto mula sa mga kasangkapan, gamit sa bahay, sapatos, damit at marami pang iba. Maliban sa mga ito ay matatagpuan din dito ang mga restawran o kainan na ang espelisasyon ay mga pagkaing halal o tinatawag ding Maranao food. Isa na rito ang Al-Moud Restaurant.

             Alam naman natin na marami rin tayong mga kababayang Muslim na naninirahan sa nasabing lugar. Sinasabing ang Quaipo ang pinakasentro ng Muslim Communitiy sa Maynila. Ang kanilang Golden Mosque ay matatagpuan sa Globo de Oro St. Mayroon silang sariling paniniwala at kultura at kabilang na nga rito ang pagkain ng halal. Kaya’t kahit nasa gitna sila ng lungsod na mas marami ang mga hindi Muslim dapat ay mayroon ding mga kainang nakalaan para sa kanila. Malapit lamang sa musque ang Al Moud Restaurant.

           Ang halal ay yaong mga pagkain na pinapahintulutang kainin ng Muslim o mga malilinis na pagkain na nakasaad sa Quran. Kabaliktaran ito ng salitang ‘haram’ na ang ibig sabihin naman ay yaong mga pagkaing ipinagbabawal kainin.
           Dahil sa pagtatayo ng restawran bukod sa naipi-preserba nila ang kanilang kultura ay naipo-promote pa nila ang kanilang pagkain sa iba. Nakalilimutan na kasi ng ilan sa kanila ang kanilang mga katutubong pagkain. Yamang kung pagkain lang naman ang pag-uusapan ay 'di rin sila pahuhuli. Kabilang sa mga pagkaing halal ay iba’t ibang luto sa manok gaya ng chicken piaparan at chicken pianggang. Mayroon ding randang na nilutong karne ng kalabaw at iba pa. Ibang klase rin ang kanilang kanin na tinatawag na Kyuning, ito ay mula sa espesyal na bigas na kung tawagin ay Daragadong. Ilan lang sa inihahain sa Al-Moud Restaurant ay ang Kabsa at Filo. Patok din ang kanilang roasted chicken.

            Pangmasa ang mga halal food na ibinibenta sa Quaipo dahil mura lang din ang presyo. Ayon sa mga nakapunta na ay para ka nga lang nasa turu-turo. ‘Yun bang ituturo mo lang ang gusto mong pagkain at ito ay ihahain na sa iyo. Maaari rin namang subukan ang mga pagkaing halal para malaman ang panlasa ng mga kapatid nating Muslim. Tiyak na masasarap din ang mga ito at ang maganda ay bago sa ating panlasa!

           Kung tutuusin ay nagkalat na rin naman sa Metro Manila ang mga restaurant na naghahain ng mga pagkaing halal. Mayroon sa Quezon City , San Juan , Roxas Boulevard , Ermita, Makati o kahit saan pang lupalop ng Pilipinas ‘yan. Kahit pa sa ilang mall at hotel ay mayroon ding mga kaininang naghahain ng mga pagkaing halal.
Loading...