Loading...

Thursday

Mga Dahilan ng Mabilis na Pagtanda


  Marami sa atin ang ayaw mapag-usapan ang edad, kahit tanungin ay inililihim pa. Nahihiya kasing masabihang "ang tanda mo na pala." Kapag nakantiyawan ay ipapasok ang kasabihang "kalabaw lang ang tumatanda."

          Pero mayroon din namang mga taong proud sabihin ang kanilang edad at magugulat ka, hindi kasi makapaniwalang ganun na ang kanilang edad dahil bata pa kung titingnan. 'Di ri mawawala ang mga taong nagpaparetoke ng mukha o katawan para magmukhang bata. Pero anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit napapadali ang pagtanda ng isang tao?

- Ang sobrang pagkabilad sa araw ay nakakaapekto sa madaling pagtanda dahil nasusunog ang balat at gumagaspang ito. Mapapansing mas nagmumukhang matanda kaysa tunay nilang hitsura ang mga taong ang trabaho ay expose sa araw.

- Ang paninigarilyo ay nakakapagpatanda rin, sinasabi ng mga eksperto na nakakapagpakulubot ito ng balat. Marami ring nakukuha ritong sakit gaya ng sakit sa baga. Natural kapag nagkakasakit ay nangangayayat at nagmumukha ng matanda. Sinasabi ring ang paninigarilyo ay nakakapagpadali ng pagmemenopause sa mga kababaihan.

- Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakakaapekto rin sa kondisyon ng balat pati sa pagtulog at pagkain. Bukod pa riyan ang pagkasira ng atay, pagkakaroon ng ulcer kapag madalas uminom ng alak ng wala pang kinakain. 'Di lang ang pagtanda ang pinapabilis nito kundi pati na rin ang buhay gaya ng paninigarilyo!

-Ang kakulangan sa ehersisyo ay nagpapabagal ng metabolismo at nagpapapangit pa ng porma ng katawan. Nakakapanghina rin kapag laging walang ginagawa.Ang resulta laging nanlulupaypay.

-Ang labis-labis na pagtratrabaho nang halos wala ng pahinga ay nakakapagpatanda. Dahil sa sobrang busy napapabayaan na ang sarili kaya't hindi na rin napapansin ang mga pagbabagong nagaganap sa katawan.

-Ang sobrang pag-iisip o pag-aaalala sa mga problema ay isa ring salik ng mabilis na pagtanda. Maaari pa nga itong humantong sa pagkakasakit. Ang atin kasing mga iniisip ay nakakaapekto sa kondisyon ng ating katawan.

-Ang madalas na pagsima-simangot ay nakapagbibigay ng wrinkles. Pero kapag laging nakangiti ay mas nagmumukhang bata.

Hindi naman talaga mapipigilan ng tao ang pagtanda dahil kasama na ito sa buhay. Ang sa atin lang, para hindi mapadali ang pagtanda dapat ay maging balanse sa ating pamumuhay. Ika nga ng ilan mahalaga ang pag-inom ng vitamin, exercise at tamang diyeta.
Loading...