Loading...

Thursday

Isang Sulyap sa Talambuhay ni Andres Bonifacio


Kung mayroon mang bayani na naging malaki ang nagawa para sa bansa ay isa na rito si Andres Bonifacio na walang takot noon na nag-aklas laban sa mga Kastila. Ang kanyang buhay ay punung-puno ng hamon at inspirasyon sa kanino man. Isinilang siyang dukha kaya’t bata pa lang ay batak na sa pagtratrabaho. Naging taga-pagtinda siya ng abaniko noong panahon ng kanyang kabataan. Maaga silang naulila ng kanyang mga kapatid at dahil sa panganay ay naiwan sa kanya ang responsibilidad sa pag-aalaga sa mga nakababatang kapatid.

Wala siyang natapos na anumang kurso kung kaya’t ang kakulangan sa pag-aaral ay pinunan niya sa pamamagitan ng pagbabasa. ‘Di ba’t nagging mahusay pa nga siyang manunulat at makata? Isinulat niya ang pamosong tula na, “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,” na naghahayag ng kanyang marubdonb na pag-ibig sa Inang Bayan. Naging paborito niyang basahin ang dalawang aklat na isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Kabilang na rin ang libro patungkol sa rebolusyong Pranses at ang mga librong yaon ang isa sa nagbigay ng inspirasyon sa kanya para lumaban sa mga Kastila.

Sumali pa nga siya sa La Liga Filipina na pinamumunuan ni Rizal. ‘Di naglaon ay itinayo niya ang Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga Anak ngBayan o KKK. Bagama’t siya ang nagtatag nito ay ipanaubaya niya sa iba ang pamumuno. May isinulat din siyang by law o kanilang kartilya subali’t mas pinili niyang gamitin ang bersiyon ni Emilio Jacinto. Nagpapakita lang ito na kababaang loob ni Bonifacio. Bagama’t mahihinang klase lang ng armas ang kanilang tangan ay ‘di ito naging hadlang para makapagdaos sila ng malawakang rebolusyon na sukat na yumanig sa mga Kastila. Nagpapatunay lang ito na sadyang matatapang ang mga Pinoy, kailangan lang na may isang lider na aakay sa kanila tulad ni Bonifacio.


Ngunit sa kasamaang-palad ay naganap ang malaking kasawian sa buhay ni Bonifacio maging sa himagsikan. Nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa chapter ng Katipunan sa Cavite na tinatawag na Magdalo at Magdiwang. Ang Magdiwang ay pinamumunuan ng pinsan ni Gen Emilio Aguinaldo, samantalang ang huli ay pinamumunuan ng kamag-anak ng kanyang asawa. Nang ito ay kanyang mabalitaan ay agad siyang lumuwas sa Cavite . Pinilit pa niyang pagkasunduin ang dalawang pangkat ngunit nahirapan lang siya.

Para mapagkaisa ang mga naglalabang paksiyon ay napag-isipan nilang magkaroon ng halalan na tinatawag na Tejeros Convention noong Marso 22, 1897. Ngunit dahil nasa teritoryo ni Aguinaldo ay ito ang nahalal bilang pangulo. Naihalal pa si Bonifacio bilang Director of the Interior, ngunit ito ay kinontra ng isang lider ng Magdalo na si Daniel Tirona at sinabing abogado lang ang karapat-dapat sa naturang posisyon. Dahil naisulto ay ‘di kinilala ni Bonifacio ang naturang halalan. Hanggang sa ipaaresto siya ni Aguinaldo sa salang pagtataksil sa bayan. Siya kasama ang kanyang kapatid ay pinaslang sa bundok ng Maragondon noong Mayo 10, 1897.


Sinasabing si Bonifacio ang dapat na ituring na kauna-unahang Presidente ng Pilipinas. Dahil may sarili itong sistema ng gobyerno at hindi ang Revolutionary Government ni Aguinaldo. Siya rin diumano ang dapat na maging Pambansang Bayani imbes na si Rizal. Dahil si Bonifacio diumano ang kumakatawan ng masang Pilipino at isa pa, ang mga Amerikano ang humirang kay Rizal para maging pambansang bayani. Ibig sabihin ay sadyang mataas ang pagkilala ng iba kay Bonifacio. Ngayong Binafacio Day ‘di lamang sapat ang paggunita sa kanyang kabayanihan. Subali’t dapat din nating tuluran ang kaniyang kabayanihan. Dahil kahit sino ay maaaring maging bayani sa sarili niyang paraan.
Loading...