Loading...

Thursday

Health Benefits ng Pineapple


Kilala ang pinya dahil sa hitsura nito na kung tagurian ng iba ay prutas na maraming mata. Marami ritong may paborito dahil sa matamis at kung minsan ay maasim. Masarap ito lalo na’t kapag ginawang juice. Pero ang hindi alam ng iba ay maraming buting dulot ang pinya sa ating kalusugan.
Hindi lamang sa mga dairy products na nagtataglay ng calcium ang nakakapagpalakas ng buto kundi pati na rin ang pinya. Ang pinya ay nagtataglay ng manganese, isang mahalagang mineral para maging maayos at matatag ang mga tisyu at buto. Ang isang baso ng pinaaple juice ay nagtataglay ng tinatayang 73% ng manganese para sa pagkakaroon ng healthy diet.

Karaniwan lamang na kapag nakakaramdam ng ubo at sipon ay Vitamin C agad ang hinahanap ng mga tao gaya ng oranges. Pero uubra rin para dito ang pinya, hindi lang kasi Vitamin C mayroon ang pinya kundi mayroon rin itong potassium, calcium, fiber, cooper, thiamine, manganese at vitamin B6. Nagtataglay din ang pinya ng bromelain na lumalaban sa mucos kung kaya’t napipigilan ang ubo. Bukod dito ay tumutulong para mabawasan ang sakit ng mga kasu-kasuan at osteoarthritis. Ang bromelain ay isang uri ng anti-inflammatory, ang pag-inom ng kalahating baso ng pineapple juice sa loob ng isang araw ay isang mabisang paraan para mabawasan ang iniindang sakit.

Tumutulong din ang pinya para mapadali ang pagtunaw ng ating mga kinain. Mayroon kasi itong proteolytic enzyme na kayang-kayang tunawin ang ating mga kinain para makuha nito ang sustansiya. Alam n’yo rin bang mabisa ring gamot ang pinya sa mga buntis na mayroong morning sickness o pagduduwal sa umaga. Pinaniniwalaang ang pag-inom ng pineapple juice sa umaga at pagkain ng mani ay nakakapagpabuti sa ganitong situwasyon.

Ang mainam pa sa pag-inom ng pineapple juice ay nakapagpapabango ito ng hininga o nakakapaglinis ng bibig. Kayang-kaya kasi nitong patayin ang mga mikrobyong nananahan sa bibig. Bukod pa rito ay nagpapatibay din ito ng ating gilagid. Tumutulong din ang pinya sa pagkakaroon ng blood clot o pamumuo ng dugo. Maging ang pagkakaroon ng allergies ay nilalabanan din ng pag-inom o pagkain ng pinya.Batay na rin sa mga nabanggit ay mainam na isama ang pinya sa ating diet dahil na rin sa dami ng benepisyo rito.
Loading...