Ang bayabas ay karaniwang prutas na lamang rito sa
Pilipinas. Kahit saan ka pa pumunta ay siguradong may makikita ka. Marami rin
ang nagtitinda ng bayabas sa mga kalye. Kilala ito dahil sa marami itong
maliliit na buto sa loob ng katawan nito. Ginagawa pa nga itong guava jelly ng
iba at masarap din namang gawing juice. Subali’t alam n’yo bang ang puno ng
bayabas ay maraming pakinabang? Dahil kahit ano’ng bahagi nito ay mayroong
gamit katulad ng balat, dahon at bunga.
Bukod sa masarap na ang bayabas
ay nagtataglay din ito ng nutrisyon na mayaman sa vitamin A at vitamin C, na
limang beses na higit na mataas kaysa sa oranges. Kaya’t ang pag-inom ng katas
ng bayabas o ‘di kaya’y ang pinikulang dahon nito ay puwedeng maging gamot sa
ubo at sipon.
Ilan pang makukuhang
nutrients dito ay nicotic acid, folic acid, phosphorus, potassium, iron at
fiber. Dahil sa mayaman sa fiber ang bayabas kaya’t mainam itong gamot sa
constipation. Sa mga gustong huwag bumigat o tumaas ang timbang ay maganda ang
pagkain ng bayabas dahil wala itong cholesterol at mababa lang carbohydrates.
Ang maganda pa ay madali ka lang mabubusog sa bayabas kaya’t ‘di mo na
kailangan pang kumain ng kumain.
Ang pagpapakulo sa dahon ng bayabas
ay mabisang gamot sa uterine hemorrhage, pamamaga ng hita at iba pang bahagi ng
katawan. Maaari rin itong maging gamot sa diarrhea at gastroenteritis. Higit
itong kilala bilang panglinis at panglanggas ng sugat. Ang kinakailangan lang
gawin ay punasan ang sugat ng pinikuluang dahon ng bayabas.
Mainam din ito para sa mga mayroong
ulcer. Puwede ring maging lunas sa diabetes, epilepsy at spasms. Ang bayabas
din ay nagpapaganda ng daloy ng dugo. Kaya’t mainam ito para makaiwas sa
pagkakaroon ng highblood pressure. Pinapalakas din nito ang ating puso. Isa pa,
nagpapalakas din ito ng menstruation ng kababaihan.
Ang balat ng puno ng bayabas at dahon
nito ay puwedeng magamit bilang astringent. Puwede itong maging panapat sa mga
beauty creams na ginagamit ng ilan. Ito ay maaaring sa pagkain ng mismo ng
bayabas o ‘di kaya’y sa pamamagitan ng pagpahid ng pinakuluang dahon sa
katawan. Bukod sa nagpapaganda na ng kutis ay nilalabanan din nito ang
pagkakaroon ng problema sa kutis.
Puwede pa nga itong magsilbing gamot sa
sakit ng ngipin. Nguyain lang ang dahon ng bayabas. Kung gusting gawing mouth
wash ay uubra rin, dahil mayroon itong anti-bacterial properties. Pinapatibay
pa nito ang ating gums.