Loading...

Thursday

Anger Management Tips


      Mainit na naman ba ang ulo mo dahil nagagalit ka sa isang pangyayari o bagay? Dahil dito ay nasisira na tuloy ang araw mo. Walang buting naidudulot ang pagkagalit bagkus ay maaari pa nga itong makasira sa relasyon mo sa ibang tao. Relaks lang kaibigan dahil may mga paraan para makontrol ang iyong galit.

    Kapag mainit ang ulo ay iwasan munang makihalubilo sa ibang tao dahil baka sa kanila mo pa maibaling ang iyong galit. Hindi kasi maiiwasan na mayroon pa ring magbibiro sa iyo kahit galit ka, sa pag-aakalang mapapangiti ka nila. Mas makabubuti munang pumunta sa tahimik na lugar para makapag-muni-muni. Alamin kung ano ang pinag-ugatan ng iyong galit. Para makapa mo sa iyong sarili kung sapat ba ang dahilan mo para magalit? Kung ito ay sapat ay mahirap din na bigla mo na lang kokomprotahin ang taong nagpagalit sa iyo.

    Magpalamig muna at kapag malamig na ang situwasyon ay saka ka makipag-usap sa taong nagbigay galit sa iyo. Ipaliwanag nang maayos na hindi mo gusto ang kanyang sinabi o ginawa. Alalahaning ang malumanay na pakikipag-usap ay naghahatid tungo sa magandang usapan. Kapag hindi naging maganda ang kanyang tugon ay magpasensiya pa rin dahil tataas lang ang tensyon sa pagitan ninyong dalawa. Para ano ba’t maiisip din niya ang kanyang kamalian. Saka mahirap ang palaging nagagalit dahil nahihirapan ka lang huminga sa pagtitiim-bagang. Kaya’t kapag nagagalit na ay kalmahin ang sarili, pagkatapos ay huminga ng malalim at mag-inhale exhale. Ulit-ulitin ito hanggang sa makaramdam ng ginhawa sa katawan.

    May mga taong kapag nagagalit ay inilalabas nila ito sa pamamagitan ng pagwawala at pagbabasag ng kung anu-ano’ng bagay. Pero hindi naman kinakailangan na maging bayolente para mailabas lang ang galit. Maaaring bumili ng punching bag at doon ilabas ang galit. Paraan na rin ito para ma-sat mapataas ang endorphin sa katawan na nagsisilbing pain reliever kapag mayroon tayong mga dinaramdam. Puwede ring pumunta sa lugar na walang tao at doon ka puwedeng magsisigaw para mailabas ang galit. Iwasan lang ang pagsasabi ng ‘di magagandang salita dahil hindi rin ito makatutulong. Kapag nailabas na ang galit dapat ay hindi mawawalan ng pagtatawad sa loob ng iyong puso. Hindi porke’t nasaktan ka ng iba ay habambuhay mo na itong dadalhin. Aba’y ikaw din ang maaapektuhan. Lahat ng galit at sakit ay kusa na ring pinaghihilom ng panahon.

    Madali lang naman malaman sa tao kung nagagalit dito. Unang-una ay namumula ang mukha nito at minsan ay nanlilisik pa ang mga mata. Isipin mo na lang na kapag nagagalit ka ay pumapangit ka rin sa paningin ng iba. Pero kapag relaks ka naman ay napaka-smooth ng dating sa iyo ng iba. Bakit ang galit ay hindi palitan ng ngiti? Para maging masaya sa tuwina ang buhay.
Loading...